Saturday, April 23, 2011

"Hakbang ng Matapang" -Alay Lakad 2011 special


Huwebes Santo, araw kung saan ginaganap ang "Alay Lakad".  Kanya kanyang paghahanda sa mahabang pag lalakad. May mga tumambay at inantay ang oras ng pag-alis, ang iba'y naghanda ng 
ibabaon na pagkain, nagcharge ng cellphone, nagpahinga at may nag iinom na para mas masaya. Libu libong kabataang nag mula sa iba't ibang sulok ng Maynila. May mga nagsimula sa Crossing, Pasig, Marcus hi-way, Qc at may mas malalayo pa para daw mas astig. Kanya kanyang grupo at kanya kanyang istilo ng paglalakad. Mga Brotherhood na nagkalat sa bawat kanto namimigay ng tubig na di mo alam kung mineral water o funeral water. Nagkalat ang gitaristang bulag habang kumakanta ng classic. Mga pagkain na mukhang masarap dahil marami ang bumibili at meron din unlimited na basurang nagkalat sa kalsada. Ibat-ibang paraan ng paglilibang sa sarili mula sa sakit ng paa, may mga korning patawa at may akala mo kung sinong matapang na naghahanap ng away pero iisa lang naman talaga ang tunay na matapang ng gabing iyon. Isang mamang nagmula sa grupong San Andres Pride na sumama bitbit ang tatlong paa. Nagpenetensya kasama ang iba dala ang kahoy na animo krus na pinaghiwalay at ginawang saklay. Tapang na walang katulad basta makarating lang ng antipolo ay matupad. Taong di ata naniniwala sa pulikat at tiwalang di mababali ang kanyang tungkod. Walang patunay kung siya ay nakarating sa Cathedral ng antipolo o napagod ng husto at di naituloy ang plano. Subalit ang unang hakbang sa pagsubok ay sapat na upang masabing tunay siyang matapang.
Penetensyang nagbibigay aral sa bawat isa na di dahilan ang pag kakaroon ng kapansanan upang kasalanan ay mabawasan. Isa sa mga dapat maging inspirasyon hindi lang sa araw ng mahal na araw, bagay na dapat tularan.. di ang maging pilay, di ang gumamit ng saklay, kundi humakbang ng may tapang at tiwala sa sarili na di hadlang ang isang bagay para makamit ang pangarap sa buhay.
Maligayang Araw ng pagkabuhay.











~iamn0thing

No comments:

Post a Comment